Pages

Tuesday, February 19, 2013

Sa Gilid ng Patag na Daan



Kahapon, Lunes, mga bandang alas-dos ng hapon pauwi ako galling kung saan, may nakasabay akong matandang lalaki sa jeep. Madungis, may dalang bag na tila ba kung anu-ano  ang laman. Payat, madumi ang damit, sira ang sapatos, tila gutom ang sinasalamin ng kanyang mga mata.

Nakaupo sya sa may tapat ko, mainit sa pwesto niya kaya tumabi sya malapit sakin. Aminado ko, medyo hindi ko gusto na nasa may tabi ko siya dahil na rin sa amoy niya. May halong awa at pagtatanong sa sarili kung saan tutungo ang mamang ito.

Umandar ang jeep, malayo na ang biyahe pero hindi pa rin nagbabayad ang katabi ko. Naisip ko kung may pambayad kaya sya. Meron naman. Nagbayad siya tapos kinamaya-mayaan bumaba na rin. Bumaba sya malapit sa bababaan ko. Traffic. Minasdan ko hanggang makababa at lumakad palayo ung matandang nakatabi ko. Lumakad siya na para bang alam na alam kung saan siya tutungo. Dumiretso siya sa may tindahan, agad na hinawakan ang dyaryong nakalagay sa may daan. Dyaryo. Anong meron sa dyaryo? Kung ako ang tatanungin, wala talaga akong hilig magbasa ng ganon. Nakakainip, masakit sa ulo. Puro balita ng walang asenso. Pero para sa kagaya niyang tila hindi pa kumakain, naisip ko lang, hindi ba dapat pantawid-gutom ang una niyang inilapit sa tindahan? Minasdan ko lang siya hanggat hindi pa umaandar ang jeep. May mga estudyanteng nandoon, kinausap niya. Nakita ko siyang nakangiti, pero nilayuan siya.

Tuwing makakakita ako ng kagaya niya, naiisip ko, oo madungis sila pero ibig bang sabihin nun kasabay ng pagbahid ng dumi sa mga balat nila ay ang pagbura ng katinuan sa mga isip nila? Kasabay ba nun ang paglipas ng mga ala-alang kinagisnan nila mula sa kanilang mga pamilya? Kung hindi ito ang buhay na ginusto nila, bakit hindi na lang sila bumalik sa umpisa? Sapat na bang layuan sila ng mismong mundong ginagalawan nila? Sapat na bang dahilan ang madungis na pananamit at pagkaladkad sa butas na tsinelas ang ipagwalang-bahala sila ng lipunang hindi alintana ang dami nila?

Umandar ang jeep, kasabay ng patuloy na paglalakad ng matandang nakasabay ko. Hindi ko na nakita kung saan siya patungo. Ang alam ko lang, may nakasabay akong matandang lalaki kalakaladkad ang sapatos at bag niya, tinatahak ang byahe ng buhay na walang kasiguruhan kung ano, hanggang saan at hanggang kailan ang kayang ibigay sa kaniya.

No comments:

Post a Comment