Pages

Friday, September 20, 2013

Kwadrado

Daan-daang tao ang nakakasalubong ko tuwing papasok ako ng eskwelahan. Libo-libong tao ang nakikita ko tuwing luluwas ako pa-Maynila. Milyon-milyong tao ang naninirahan sa paligid ko. Naririnig ko ang bawat paghinga nila. Nakikita ko ang ngiti at tawa nila. Nararamdaman ko ang lungkot at galit nila.

Masyadong maraming tao sa mundo, nakakapagod panuorin. Masyadong maingay, nakakapagod pakinggan.

Sobrang laki ng mundo, sobrang daming hakbang ang kailangan mong gawin para malibot ito. Sinubukan ko kaso huminto ako. Bukod sa napagod, napansin ko din kasi na ang dami ko palang hindi nakita nung naglalakad ako. Masyado akong nagfocus dun sa dinadaanan ko, hindi ko napansin ung mga nasa paligid ko. Hindi ko napansin wala na pala ung mga dala ko. Hindi ko napansin wala na pala ung mga paa ko.

Huminto ako at hinanap ang mga nawawala sa'kin. Huminto ako at nagpaikot-ikot hanggang sa mahilo. Huminto ako hanggang sa makita ko kung gaano kadami ang mga kasabay ko habang naglalakad. Huminto ako at pinanuod kung paano nila ihakbang ang kanilang mga paa. Sobrang bilis, sobrang dami, hindi humihinto, hindi napapatid. Nakakatakot. Nakakapagod. Nakakasuya.

Tumayo ako at naglakad. Dinaanan at lumiko sa mga kantong di ko nasilayan. Kinalimutan ang milyong mga paang iisa lang ang alam daanan.

Sa likod ng apat na pader na aking kinatatayuan, hindi ko naririnig o nakikita ang ngiti, tawa, lungkot, at galit ng mga taong nakasabay ko sa paglalakad. Pero humihinga ang apat na pader na ito at nararamdaman ko sila. Paminsan-minsan naglalakad pa rin naman ako. Tumatakbo ng kaunti kung kinakailangan. Hindi ko pa kasi nakikita ung mga nawawala sa'kin. Hindi rin kasi ako sigurado kung anu-ano ang mga 'yon. 

Masyado ng masikip dun sa daanang una kong hinakbangan. Magkakamukha nga din pala sila kaya ayoko na dun dumaan. Maraming kanto ang pwede kong likuan, pwede kang sumama kung gugustuhin mo lang. May ilaw naman dun, hindi lang tanaw mula dito. Pero sigurado pagdating mo dun makikita mo ang ibang mundo. Sigurado doon, wala kang kamukha. Sigurado doon hindi ka lang kulay pula, asul, berde, o dilaw. Dahil hindi mo kailangan maging kakulay ng iba. Hindi mo kailangan panuorin at sabayan ang paghakbang nila. Dahil ikaw mismo sa sarili mo, kaya mo huminga mag-isa. Dahil pwede ka namang tumakbo at tumalon at magpahinga kapag napagod ka. Hindi natin kailangan tumawa sa mga biro nila, pakinggan ang mga kwento, at umiyak sa mga pagdadrama nila. Pwede akong magsulat ng kahit ano gaya ng ginagawa ko ngayon. Ikaw din pwede kang gumawa ng sarili mong tula o kanta.

May isang malaking orasan na nakakabit sa ibabaw ng mundo at pare-pareho natin iyong nakikita. Pero hindi ibig-sabihin no'n kailangan nating tumanda kasabay nila. Hindi ibig-sabihin no'n kailangan mong maglakad kasama sila.

No comments:

Post a Comment